Pinoy virus carrier sa Singapore gumaling

Nakalabas na sa pagamutan ang unang Pilipino na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Singapore, ayon sa Department of Fo­reign Affairs (DFA).

“The first Filipino national diagnosed as COVID-19 positive has been given a clean bill of health and was discharged from the hospital on 28 February,” ayon sa DFA.

Sinabi ni DFA Assistant Secretary Eduardo Menez na dalawang Pinoy pa sa nasabing bansa ang nagpositibo pa sa COVID-19, kinumpirma ang pangalawang kaso noong Pebrero 29 at ikatlo naman noong Marso 2 na pawang naka-confine sa ospital.

Samantala, nakauwi na sa bansa ang 21 sa 80 Pinoy crew ng Diamond Princess cruise ship na nakarekober na rin sa COVID-19. Bukod sa kanila may 19 pang iba na nakatakdang umuwi sa Pilipinas.

Matatandaan na 445 Pinoy ang nilikas ng pamahalaan mula sa cruise ship, sumasailalim sila sa quarantine period sa New Clark City sa Capas, Tarlac, papayagan na silang lumabas sa Marso 11 kung magnenegatibo sa virus. (Armida Rico/Juliet de Loza-Cudia)