Pinsan ng bgy. chairman sa Nueva Ecija kulong sa droga

Kalaboso ang pinsan ng isang barangay chairman sa Guimba, Nueva Ecija makaraang ireklamo ng mga kaanak dahil sa walang tigil umano sa pagtutulak ng shabu.

Sa ulat na nakalap ng TONITE sa tanggapan ni Supt. Ric Villanueva, commander ng Provincial Public Safety Command (PPSC), nakilala ang naaresto kahapon ng umaga na si Gary Sebastian Cucio, 38, residente ng Purok 3, Brgy. Pasong Intsik, na kasama sa priority drug watchlist ng Guimba.

Dakong alas-5:45 ng umaga ng isilbi nina Senior Inspector Wilson Kimmayong ng 1st Maneuver Platoon ng PPSC at Guimba Police sa ilalim ni Supt. Recie Duldulao ang mga search warrant na inisyu ni Exe­cutive Judge Celso Baguio ng Regional Trial Court Branch 34, Gapan City.

Unang dumulog sa pulisya ang mga kaanak ni Cucio, kasama si Barangay Chairman Pedro Santiago, dahil ayaw nitong tumigil sa iligal na bisyo na halos ikinaubos na ng kabuhayan ng kanyang pamilya

Sa isinagawang search, nakakumpiska ng 18 plastic sachets na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 12 gramo at nagkakahalaga ng P60,000.00; pito pang plastic sachet na may shabu residue, isang ca­liber .38 revolver na may anim na bala at mga drug paraphernalia.

Kinasuhan si Cucio ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearm.