Buking na may dalang shabu ang isang pintor matapos nitong mabunggo ng kanyang minamanehong motorsiklo ang isang babae, sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng hapon.

Nasamsam ang may 20 gramo ng shabu may street value na P102,000 sa suspek na si Ronnie Bacalso, 38, at nakatira sa Brgy. 262, Zone 24, Tondo, Maynila.

Habang isinugod naman sa Ospital ng Maynila ang kaniyang nabundol na si Catherine Flores, 35.

Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District-Police Station 4 (MPD-PS4), naganap ang insidente dakong alas-4:45 ng hapon sa kanto ng Maceda Street sa Espana Boulevard.

Tumatawid sa kalsada si Flores nang mahagip ng motorsiklo na minamaneho ng suspek.

Nagkataon na nasa lugar ang mga tauhan ng MPD-PS4 at Intelligence Unit na nagsasagawa ng surveillance operation na rumesponde sa aksidente.

Kinapkapan umano ang suspek at dito nakuha ang shabu sa kanyang itim na sling bag.

Binitbit ang suspek sa presinto para sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Physical Injuries Resulting to Reckless Imprudence sa Manila City Prosecutors’ Office ang suspek. (Juliet de Loza-Cudia)