Patay ang isang pintor matapos na pagbabarilin hanggang sa mapatay sa Quezon City, noong Miyerkoles.

Ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng company ID na si Shaundae Lagrosa, tinatayang nasa edad 20-25, may taas na 5’3, painter, at naninirahan sa Luzon Ave., Quezon City. Siya ay nakasuot ng puting t-shirt at boxer short at may mga tatoo na ‘Jao Co, Reyes, Licoen, Elmer Paharito, Bcj 32 At Arnold Baloya’.

Sa imbestigasyon ni PCpl. Alexies Mace L. Jurado ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), naganap ang insidente alas-1:50 ng madaling araw sa kahabaan ng Araneta Ave., kanto ng Maria Clara St., Brgy. Talayan, QC.

Ayon sa saksi, narinig umano niya ang ingay sa labas kaya pinuntahan niya subalit bumungad sa kaniya ang duguan at nakahandusay nang biktima.

Agad niyang ini-report sa pulisya ang insidente. Nasamsam sa lugar ng krime ang mga basyo ng bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Masusi nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring krimen upang makilala ang salarin. (Dolly Cabreza)