Pinulutan sa inuman pumatay ng 3

Patay ang tatlo katao kabilang ang isang 11-anyos na bata habang apat na iba pa ang sugatan matapos pagtatagain ang mga ito ng asawa ng isa din nilang kaanak, Miyerkules ng gabi sa bayan ng Banga, South Cotabato.

Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na nakilalang si Paul Bautista, na siyang responsible sa pananaga sa kanyang asawa at anim na iba pa sa Barangay Rizal ng nabatid na bayan.

Kinilala ang nasawing mga biktima na sina Jesmond Magno, 11, stepson ng suspek; Lenny Magno, 60, at Monlene Magno na idineklarang dead on arrival sa pinagsugurang pagamutan,

Samantala sugatan naman at kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang apat pang biktima na sina Edmund Magno, 60; Renante Magno, 42; Albert Ramos, 44; at Chenie Ramos, 34, na pawang nagtamo ng mga taga sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ni Police Major Joseph Forro III, hepe ng Banga Municipal Police Station, naganap ang insidente sa Barangay Rizal ng nabatid na bayan kung saan mayroong kaunting salo-salo sa bahay ng suspek.

Nabatid na nasa labas lang ang suspek at hindi sumama sa kasiyahan sa loob ng bahay nang marinig umano nito ang kanyang pangalan sa kanyang mga biyenan sabay tawanan ng mga ito.

Dahil doon ay nagdilim ang isip ng suspek at kinuha nito ang gulok na ginagamit sa pagkuha ng niyog at isa- isang pinagtataga ang mga naroong miyembro ng pamilya ng kanyang asawa.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek na ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya.

Lumalabas sa imbestigasyon na mayroon ng dating alitan ang suspek at mga biyenan ng asawa nito at posibleng nagalit ito ng marinig ang kanyang pangalan sa pag-aakalang inaalipusta na naman siya ng kanyang mga biyenan. (Edwin Balasa)