Piolo, Bela date buking sa vlog

Buong ningning na sinabi ni Bela Padilla sa presscon ng “Apple of My Eye” na wala siyang date nu’ng Valentine’s Day.

Pero pumutok ang balitang magkasama sila ni Piolo Pascual nu’ng Valentine’s Day. Swak naman ang dalawa dahil pareho silang single.

‘My Valentine’ ang caption ni Piolo sa kanyang vlog. Sa una ay grupo silang nakikita pero nang lumaon ay dalawa na lang sila na magkasama.

Maraming kinilig na magkatabi silang nakaupo na nagkukuwentuhan at nakaharap sa dagat. Sobrang romantic ang ganap.
Magkasama sila sa resort ng mga Pascual sa Batangas. Pero nandoon din ang ina ni Piolo, sina Direk Irene Villamor at Joyce Bernal.

Hindi naman kaya may bagong nilulutong proyekto ang dalawa dahil nagpoprodyus na rin ng pelikula si Papa P at gumagawa naman ng script si Bela?

Puso o trabaho kaya ang tinutukan nila nu’ng Valentine’s Day?