Umani ng papuri ang kabutihang ginawa ni Piolo Pascual kaugnay ng nabunyag na lihim tungkol sa kanyang pagtulong sa mag-aamang nag-viral sa isang fast food restaurant.
Labis kasi ang pasasalamat ng nasabing ulirang ama sa aktor.
Matatandaan pa ngang ipinalabas at itinampok sa Kapamilya drama anthology na MMK ang kanyang kuwento kung saan nakilala ang kadakilaan ng nasabing ‘selfless father’ noong 2017 na nagngangalang Ryan Arebuabo.
Siya iyong amang nag-viral sa social media na nakitang nakatingin lamang at tinitiis ang gutom habang kumakain ang kanyang anak.
Marami ang naantig sa kanyang kuwento at gayundin sa pagganap ni Papa P. ng kanyang tunay na buhay.
Pero hindi natapos sa “Maalaala Mo Kaya” ang ugnayan nina Pascual at Arebuabo dahil sinagot pala ni Papa P. ang pag-aaral ng mga anak niya mula noon hanggang sa tumungtong ang mga ito sa kolehiyo.
Binigyan din niya ng kaunting pangkabuhayan si Arebuabo.