Pihadong mapupuno ang opisina ni PBA Commissioner Willie Marcial kung buhos na darating ang players na nasangkot sa pisikalan sa laro ng Rain or Shine at GlobalPort sa Commissioner’s Cup nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Ejected ang nagtulakan na sina Kelly Nabong ng Batang Pier at Ma­verick Ahanmisi ng Elasto Painters sa larong ipinanalo ng RoS 96-90.

Nang humupa ang tulakan, nabigyan ng technical fouls sina teammates Bradwyn Guinto, Ryan Arana at White, at si Jay Washington ng Rain or Shine.

Bago ang muntikang free-for-all, sargo at duguan ang bibig ni Painters guard Chris Tiu nang abutin ng siko ni GlobalPort import Malcolm White.

Bago natapos ang laro, umigkas ang siko ni RoS big man Raymond Almazan at inabot sa leeg si White.

Pero dahil All-Star break na ang PBA, malamang na pagkatapos na ng one-week ceasefire ipapatawag ni Marcial ang mga sangkot. “Ipapatawag ko sila lahat, but after the All-Stars na,” paniniguro ni Marcial.

Isa pang hindi paliligtasin ng commissioner ang referees dahil hindi na-assess agad kung tatawagan ng flagrant si Almazan sa pagsiko kay White.

Sina officials Nol Quilingen, Rommel Gruta, Mike Flordeliza at Janine Nicandro ang nakalistang pumito sa laro.

Pagkatapos ng contact, parang nang-aasar pa si Almazan na sumenyas ng daliri sa ilong habang palabas.

Ipinagkibit-balikat lang ni Almazan ang nangyari, sinabing pisikal din ang GlobalPort lalo yun siko ni White kay Tiu.

“Alam mo naman din ‘yung GlobalPort, lahat ng bigs nila mga pisikal. Brusko talaga,” anang dating Letran star. “Wala ‘yun (daliri sa ilong). Pang-inis lang sa kanya.”