Dahil sa ‘manifest partiality and personal prejudices’ ng isang Caloocan City prosecutor laban sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos na pinatay sa operasyon ng Caloocan City police noong Agosto 16, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sipain sa paghawak ng kaso ang piskal.
Labis ang pagkadismaya ni Drilon, dating DOJ Secretary, nang mabasa ang komento ni Darwin Canete ng Caloocan City Prosecutor’s Office, hinggil sa pagkamatay ni Delos Santos sa kamay ng tatlong pulis-Caloocan.
Tamang duda si Canete, hayagang sumusuporta sa anti-illegal drugs campaign ni Pangulong Duterte, na inosente talaga si Delos Santos. Tila nag-aabugado rin umano para sa Caloocan police ang piskal.
“The case is seriously prejudiced by Canete. His frame of mind and line of reasoning are very disturbing. We must never tolerate such behavior of a fiscal that imperils the administration of justice in the country,” diin ni Drilon.
Dahil sa pagsasalita ni Canete sa insidente ng pagkamatay ni Delos Santos, ipinaliwanag ni Drilon na hindi na maaaring pagkatiwalaan pa ang piskal na magampanan nito ang kanyang tungkulin sa pag-imbestiga at paglilitis sa mga pulis na responsable sa pagpatay sa tinedyer.
Giit ni Drilon kay Aguirre, agarang tanggalin si Canete sa paghawak ng kaso ‘for manifest partiality and hostility towards the victim.’
Dahil sa pagkomento ng kaso ng pagkamatay ni Delos Santos, sinabi ng senador na maaaring nilabag ng piskal ang Code of Conduct of Prosecutors.
Inirekomenda rin ni Drilon na ilipat si Canete sa DOJ upang magamay nito ang ‘basics of due process and respect for the rule of law.’