Fr. Richard Bolaton, STL

Ngayong araw ang Pista ng Banal na Mag-anak. Ipinagdiriwang ng Simbahan ang Piyesta ni Hesus, Maria at Jose tuwing Kapaskuhan upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pamil­ya, lalo na ngayong dumaraan sa samu’t saring problema at krisis ang maraming mag-anak sa makabagong mundo.

Saad ng Simbahan, nang dumating sa mundo ang Manunubos, niloob ng Diyos na isilang Siya sa isang normal na pamilya. Lumaki sa kamay ng mga karaniwang tao ang ating Tagapagligtas. At habang lumalaki, unti-unti Siyang namulat sa tunay niyang pagkatao bilang Anak ng Diyos.

Sa tagpo sa Ebanghelyo ngayong araw namangha ang lahat sa Kanyang katalinuhan. Naging palaisipan ang kanyang tugon sa kanyang Ina: “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” (Cfr. Lc 2: 41-52)

Sa simula’t simula pa, paliwanag ng Iglesia, hangad ni HesuKristo na sundin ang kalooban ng Ama kahit na ibig sabihin nito ay masaktan ang damdamin ng kanyang mga magulang. Pahiwatig ng batang si Hesus na natagpuan sa Templo, ‘God first, before family!’

Kahanga-hanga ang pagiging matuwid ng Mahal na Birhen at ni San Jose higit sa lahat ang kanilang lubos na pagtalima sa kalooban ng Diyos. Matututunan natin sa Banal na Mag-anak, ani Bishop Teodoro Bacani, Jr. ang paglalagay ng Diyos sa sentro ng ating pamilya at buhay.

Hirit ng Simbahan, “in these days cha­racterised by so many family quarrels, infidelities, betrayals and break-ups, we can’t help looking up to the Holy Family with admiration and nostalgia. It was indeed a family where love and faithfulness were as real as the air breathed by its members, all because God was the Lord of the house!”

Hamon sa atin ang halimbawa ng Banal na Mag-anak higit sa lahat ang tapat nilang pagtalima sa plano ng Diyos. “Led by the Holy Spirit, we renew today our commitment to make our families a mirror of all the virtues that can make us churches in miniature, replicas of the Family of Nazareth,” paanyaya ng Iglesia.

Sa huli, binibigyan ng pansin ng Simbahan ngayong Pista ang kaligtasan na patuloy na handog ng Diyos sa tanan sa pamamagitan ng pagiging miyembro ng pamilya katulad ni HesuKristo. Talagang hindi daw puwede ta­yong pumasok sa langit na mag-isa. Patuloy na ibinubuhos ng Pa­nginoon ang Kanyang grasya gamit ang kanya-kanya nating kalagayan sa tahanan.

Ngayong kaliwa’t kanan ang atake sa pamilya, nanganganib ang ating mga mag-anak sa pagkawala ng ‘basic family values’ tulad ng buhay, pag-ibig, at katapatan. Dulot daw ito ng pagsasantabi sa Panginoong Diyos ng marami. Gayunman, kung una sa lahat si Lord, giit ng Simbahan, “everything will fall into place.”

Sa Kapistahan ng Banal na Mag-anak, Jesus, Maria at Jose ipanalangin natin ang mga mag-asawa at pamilya upang ma­ging totoo silang komunidad na Kristiyano at makapangyarihang puwersa tungo sa tunay na pagbabago ng ating lipunan at bansa.