Masaya, makulay at magarbo.
Ganyan ko mailalarawan ang pista sa barangay namin tuwing May 4. Si Santa Monica ang patron ng Barangay Julugan sa bayan ng Tanza, lalawigan ng Cavite.
Dinarayo ng mga deboto mula sa iba’t ibang panig ng probinsiya ang kapistahan ni Santa Monica dahil sa fluvial parade. Pati ilang mga taga-Tanza na working abroad, umuuwi para makisaya sa taunang selebrasyon.
Pero ngayong taon – tahimik, walang ingay. Ni walang tao sa kalsada. Iisipin mong hindi fiesta.
Ayon sa ilang residente, malungkot silang walang selebrasyon ng Pista ni Santa Monica. Pero okay na rin daw sa kanila kaysa naman malagay sa alangin ang buhay ng bawat isa. Nasa ilalim pa rin ng Extreme Enhanced Community Quarantine ang Tanza. Ibig sabihin, mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering.
Mismong ang kura paroko ng simbahan na si Fr. Elorde Gomez, aminadong nawala ang kasiyahan. Pero para sa kanya, “Ang kasiyahang panlabas, talagang nawala. Pero ‘yung panloob naman, talagang nabubuhay. ‘Yung relasyon sa loob ng pamilya.”
Nakatutuwang isipin na dahil sa quarantine, mas naging solido at buo raw ang relasyon ng pamilya. Inihalintulad pa niya ito sa buhay ni Santa Monica. Ayon kay Fr. Gomez, “Si Santa Monica ay patron ng pamilya, lalo na ng pamilya na under stress, pamilyang humaharap sa maraming hamon.”
Umaasa naman si Tanza, Cavite Mayor Yuri A. Pacumio na si Santa Monica ang tutulong sa bayan para mapagtagumpayan nito ang laban kontra sa COVID-19 pandemic.
Pinahintulutan pa rin naman ang motorcade ni Santa Monica. Ipinarada ang imahe niya pero tiniyak na nasusunod ang social distancing. Walang deboto ang pinayagang sumama. Mabilis din ang convoy ng procession.
Ang mga Tanzeño, likas talagang malikhain. Imbes na magmukmok dahil walang kasiyahan sa Pista ni Santa Monica, nagkanya-kanyang diskarte para ipagdiwang ito.
Marami ang nag-throwback pics na lang ng fiesta noong mga nakaraang taon. Ang iba naman, nag-online karakol. Sa Tiktok idinaan ang pagsasayaw. Ibang klase talaga ang mga taga-Tanza, saludo po ako sa inyo!