Piyansa ng NDF consultants pinakakansela na ng OSG

jose-calida

Opisyal nang hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa mga hukuman na kanselahin na ang mga bailbond para muling arestuhin ang mga consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDF) na nahaharap sa kasong kriminal.

Ito ay kasunod na rin ng pagkansela ng gobyerno sa backchannel talks sa mga rebeldeng komunista bunsod ng mga pag-atakeng inilunsad ng New People’s Army (NPA) laban sa mga tropa ng pamahalaan.

Ayon kay Solicitor Ge­neral Jose Calida, ang pan­samantalang kalayaan na ibinigay ng mga hukuman sa mga NDF consultant ay may kaakibat na mga kondisyon at kasama na rito ang pagbawi sa piyansa kapag natapos o nakansela ang usapang pangkapayapaan.

Nabatid na 21 mga NDF consultant na akusado sa mga kasong kriminal ang nabigyan ng conditional release ng iba’t ibang mga regional trial court para sila ay makasali sa peace negotiation sa pagitan ng CPP-NDF at ng gobyerno ng Pilipinas.

Kasama sa mga NDF consultant na nakakalaya dahil sa piyansa ay ang mag-asawang sina Benito at Wilma Tiamzon na parehong nahaharap sa kasong multiple murder.