PLAKANG 8 SERVICE SA PROSTI

Bumagsak sa mga ope­ratiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang katao na sangkot umano sa prostitution ng mga menor-de-edad at nadiskubre pa na gumagamit ang sindikato ng plakang numero 8 na siyang plate number para sa mga kongresista.

Iprinisinta sa press conference ng NBI ang mga suspek na naaresto kamakalawa na sina Nehemiah Jalgalado Velasquez alyas ‘Kuya Joey’, Hillary Santos Acosta alyas ‘Violet Sy’, Adrian Rivares Carido, Orlando Baloloy Abarca at Alex Campita Balane.

Sasampahan sila ng kasong human trafficking in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Nabatid na isinagawa ang pagsalakay sa Marbella Condominium sa Roxas Boulevard, Pasay­ City pasado alas-nuwebe kamakalawa ng gabi kung saan naka­tira ang mga suspek na sina Velasquez at Acosta, na siyang mga operator umano ng prostitusyon.

Unang nagsumbong umano sa NBI ang pangulo ng Association of Club, Karaoke and Disco Ow­ners na si Perry Mariano kaugnay sa pambubugaw umano nina Velasquez at Acosta ng mga kabataan at katunayan dito ang isang dalagita na nakatakas noong Abril 2016 at nagpasaklolo sa kanya.

Ikinasa ng NBI ang entrapment operation kung saan ilang operati­ba ang nagpanggap na kukuha ng tatlong babae. Nang dalhin na sa kanila sa Manila Pavillion ang mga babae kapalit ng hala­gang P45,000 o P15,000 ang bawat isa ay doon na ina­lam ng mga awtoridad kung saan matatagpuan ang kanilang mga amo.

Itinuro ng tatlong babae sa mga operatiba ng NBI-Death Investigation Division ang isang unit sa naturang condominium kung saan sila mistulang nakakulong at nailalabas lamang umano kapag may pagdadalhang mga kliyente sa hotel.

Nabatid pa na puma­yag umano ang mga babae sa alok ng mga suspek na gagawin silang model at hindi nila inaasahan na masasad­lak lamang sa prostitusyon.

Na-rescue ng NBI ang siyam pang babae, kabilang ang anim na menor-de-edad, apat na lalaki at isang bading.

Samantala, iniimbestigahan din ngayon ng NBI ang dalawang sasakyan na isang Avanza at isang Starex van na may red plate number 8 at ginagamit umano sa paghahatid ng mga babae sa kanilang mga suki sa hotel.