Plakang 8

Kaakibat na ata ang yabang sa kapangyarihan na meron ang ilang kaanak ng mga taong nasa pwesto. Sa posis­yon na meron sila. Nakakalimutan minsan ang tinuring nga na with greater power comes great responsibility na ibig sabihin sa tagalog ay mas lalo dapat tayong maging responsable sa kapangyarihang meron tayo.

Minsan ay may dumulog sa aming prog­rama sa Dzmm na Aksyon Ngayon tungkol sa panununtok ng isang anak ng kongresista at ang kaawa-awang biktima ay isang lolo.

Sinuntok daw ng tatlong beses mismo sa harap pa ng kanyang apong kasama ang matanda na ang puno’t dulo ay dahil lamang sa trapiko.

Ang dating ng pangyayari ay tila ‘di mo dapat maisahan sa kalye o dapat maungusan ‘pag anak ng isang may kapangyarihan.

Gamit-gamit  pa ng abusadong tsuper ang plate number ng amang kongresista na otso (8) na isyu sa mga kongresista.

Kaya naman isa ang inyong lingkod sa tuwang-tuwa sa pa­nukalang paglusaw sa plakang 8 para maging patas ang lahat.

Sa sobrang sikip ng daloy ng trapiko, nakakabanas naman talaga na may bibigyang importansiya sa kalsada dahil gumagamit sila ng plakang 8.

Sa totoo lang matagal nang panahon na naaabuso ang plakang 8 na ‘yan. Kung sinu-sino sa pamilya at maging hindi mga immediate family ay nakakagamit ng plakang 8.

Ang matindi pa dito ay tila nagiging pass nila ito sa color coding, traffic violations at ma­ging ilang pribilehiyo na iniiwasang makabangga ng ilan sa mga traffic enforcers.

Pero baka ‘di nila alam na ito ay isa lamang plate number na muli taong bayan na naman ang may-ari at ‘di sila.

Pribilehiyong ating pinapagamit ‘di para abusuhin kundi para gamitin sa tama.

Kaya sana ay makalusot ang panukala ni Navotas Rep. Toby Tiangco na pagtanggal ng numerong 8 na ginagamit ng mga kon­g­resista.