Binunot at sinira ang mahigit P42,000 na halamang marijuana sa isang plantation site sa Ampusugan, Bakun, Benguet noong Linggo.
Ayon kay Benguet Police Provincial Office (BPPO) head Sr. Supt. Lyndon Mencio, bago mangyari ang operasyon, nakatanggap umano sila mula sa ‘tipster’ na may nakatanim na mga marijuana sa nasabing bayan.
Dito, nagsagawa ang BPPO ng isang anti-drug bust at nakita nila ang mga halaman sa isang marijuana plantation na nasa fully grown na at nakatakda nang i-harvest.
Binunot ng operatiba ang 214 piraso ng fully grown marijuana na naitanim sa 71 square meter na bahagi ng bundok.
Una nang nagsagawa ang lokal na pulisya ng pagsira ng marijuana plantation sa Tacadang, Kibungan, Benguet at winasak ang mahigit sa P4.2 milyong halaga ng ipinagbabawal na tanim.