Sa wakas ay nanggaling na rin mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsusulong na magpatupad ng ban sa paggamit ng plastic.
Bagama’t single-use ang pinag-uusapan sa isinulong na panukala sa Senado magandang simula na rin ito.
Tutal ay isinusulong na ang pagbabawal na gumamit ng plastic, dapat wala nang kondisyones. Total ban na ang ipatupad kung pangangalaga at proteksyon sa climate change ang hangad ng gobyerno.
Sa ngayon kasi ay may mga local government unit ang nagpapatupad ng plastic ban pero hindi natin nakikita ang tagumpay nito.
Ito ay dahil sa pagiging maluwag ng mga pamilihan sa kanilang mga customer.
Kapag walang dalang sisidlan si customer ng kanyang mga pinamili ay aalukin lamang ito ni cashier kung saan niya gustong ilagay ang kanyang binili.
Oo nga’t may choice kung plastic o paper bag ang lalagyan kanya lang isa rin sa choice na ibinibigay ay plastic kapalit nga lamang ng P2 bawat isa.
Kung ganitong sistema ang ipatutupad, walang epektong idudulot ang plastic ban ng mga local government unit dahil dagdag kita lang sa kanila ito — sa LGU at sa mall owner dahil nga sa usapang may porsiyento si city hall sa kikitain sa bentahan ng plastic.
Ibig sabihin, imbes na maging dagdag gastos sa mga pamilihan ang panukalang plastic ban ay dagdag kita ito sa kanila. Bakit kanyo? Dahil ang dating inililibre nilang lagayan sa mga mamimili ay may bayad na.
May ilan namang pamilihan ang nagkukusa katulad ng pagbibigay ng paper bag pero hindi ito sapat kung mga babasagin ang bibilhin mo.
Kaya sana sa pagsasabatas ng plastic ban ay ikunsidera ng mga mambabatas ang tunay na hangarin ng batas — ang proteksyon sa climate change at para rin matuto ang publiko na magbitbit ng sisidlan ng mga ipamimili tuwing pupunta sa mga supermarket o department store.
Kailangan ay tulungan sa usaping ito upang sa gayon ay makamit natin ang hangaring mapangalagaan ang ating kalikasan.