Malakas ang pana­wagan ngayon na ipagbawal ang paggamit ng plastic.

Sa Senado ay isinusulong ni Senador Risa Hontiveros ang pagbabawal sa paggamit ng plastic straw at mga stirrer.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Bill 1866 o ang ‘The Plastic Straw and Stirrer Ban of 2018’.

Hangad ni Hontiveros na ipagbawal sa mga restaurant at iba pang establisim­yento ang ‘single-use plastic straw at stirrer in restaurant’ upang hindi na makadagdag sa basura.

Pinaoobliga rin ng senador ang mga food service establishment at iba pang service provider na maglagay ng mga signage na ‘no plastic straw and stirrer’ policy.

Sa ganitong paraan ay naniniwala si Hontiveros na magkakaroon ng epektibong positibong pagbabago sa pag-uugali ang ­taumbayan.

May katumbas ding multang nais ipataw si Hontiveros sa mga lalabag.

Sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay isinulong naman ng isang kongresista ang paggamit ng single-use plastic sa bansa.

Inihain ni Muntinlupa Rep. Ruffy Bia­zon nitong Hulyo 4, ngayong taon ang House Bill 7903 (An Act Providing for the Phase-out of Single-Use Plastic Products in the Country).

Sa pamamagitan ng panukala ay inaasahang mababawasan ang masamang epekto ng mga produktong gawa sa plastic hindi lang sa kapaligiran kundi maging sa kalusugan ng mamamayan.

Kabilang sa ipagbabawal ay paggamit ng plastic straw, plastic cup at mga takip gayundin ang pambalot at iba pang packaging ng mga produkto.

Ang sarap pakinggan ng mga panukalang ito, pero alam kaya ng mga mambabatas na ito na nagagamit itong dahilan ng mga negosyante para kumita?

Katulad na lamang ng ipinatutupad na polisiya sa mga department store, kapag wala kang dalang la­lagyan ng iyong pinamili ay obligado kang bumili ng paglalagyan ng iyong mga pinamili.

Siyempre mamili ka ng murang sisidlan ng iyong pinamili. Wala namang ibang murang lalagyan ng iyong pinamili kundi plastic.

Kaya nasaan ang ban doon? Hindi ba’t pagbibigay lamang ng kita sa mga negos­yante ang nangyayari?