Darating na mamayang gabi sa Manila ang Swiss powerhouse Volero Zurich para sa FIVB Women’s Club World Championship sa Oct. 18-23 sa MOA Arena.

Pangungunahan nina Rio bronze medalist Foluke Akinradewo ng US at international model Mariana Costa – Mari Paraiba sa kanyang modeling career – ng Brazil, lalapag ang Volero Zurich sakay ng official airlines ng torneo na Turkish Airlines alas-6:40 ng gabi.

Susunod ang anim pang teams na sasabak sa torneo na inorganisa ng Philippine Superliga at Eventcourt, kasama ng TV5, Petron, Asics, BMW at F2 Logistics, at official resident Diamond Hotel.

Si Akinradewo ang ambassador ng tournament na binak-apan ng PSC, Rexona, MOA Arena, Foton at Price Waterhouse Cooper. Nasa listahan pa sina superstars Natalya Mammadova, Ekaterina Orlova at Silvija Popovic.

Pero si Costa ang inaasahang magiging crowd favorite dahil sa angking ganda. Naging cover na si Costa ng Playboy Brazil ilang taon na ang nakakaraan.

Sa Biyernes darating ang Rexona-Sesc Rio, Pomi Casalmaggiore, Eczacibasi VitrA Istanbul at VakifBank Istanbul. Huling lalapag sa Linggo ang Bangkok Glass at Hisamitsu Springs Kobe.

“Now the real work begins,” deklarasyon ni PSL president Ramon ‘Tats’ Suzara.

Isasagupa ng Pilipinas ang PSL-F2 Logistics Manila nina team captain Rachel Anne Daquis, Mika Reyes, Kim Fajardo, Jovelyn Gonzaga, Jen Reyes, Frances Molina at Jaja Santiago, kasama sina imports Stephanie Niemer, Lindsay Stalzer, Lynda Morales, Yevgeniya Nyukhalova, Ekaterina Krivets, Tichaya Boonlert at Yuri Fukuda.