PLDT taob sa F2, fan umiyak

Mangiyak-ngiyak ang isang fan ng PLDT Home Fibr dahil sa natamong dalawang sunod na talo ng Power Hitters sa 8th Phi­lippine Superliga (PSL) 2020 Grand Prix eliminations.

Lumuhod ang Power Hitters sa tigasing F2 Logistics, 21-25, 15-25, 13-25, kahapon na ginanap sa Strike Gym sa Bacoor.

Ayon kay Estella Fernandez na taga-Cavite, palagi siyang nanonood ng laban ng PLDT kaya naman sa tuwing nakikita niyang natatalo ang kanyang koponan ay nalulungkot at minsan ay naiiyak pa siya.

“Kapag nakita ko silang lumalaban tapos sa bandang huli kinakapos ay talagang sobra ang lungkot ko, normal naman ‘yun sa isang fan ‘di ba?” saad ni Fernandez. “Wala namang problema kung matalo sila, kasama sa laro ‘yun, nalulungkot lang talaga ako.”

Kinapitan ng Cargo Movers ang nagbabalik na si American import Lindsay Stalzer, kumayod ng 22 points mula sa 19 attacks, dalawang service aces at isang block, para pangunahan ang magarang debut ng team at ilagay sa 0-2 ang PLDT.

“First set medyo tight pa, pero noong nakuha naman ‘yung set medyo naging relaxed na,” saad ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus. (Elech Dawa)