Plunder nina Revilla at Napoles lilitisin na

Janet Napoles

Matapos ang tatlong taon, lilitisin na sa wakas ang plunder case na kinakaharap nina dating Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Janet Lim-Napoles at dating chief of staff ng dating senador na si Richard Cambe.

Sa pagharap ng prosecution at defense sa Sandiganbayan First Division kahapon, napagkasunduan­ na sa Hunyo 15, ay magpipirmahan na ng pre-trial order at sisimulan na ang trial sa Hunyo 22.

Apat na beses kada buwan o tuwing Huwebes ang gagawing paglilitis sa mga akusado na isinasangkot sa pork barrel scam kaya tinatayang aabot ng isa hanggang dalawang taon ang itatagal ng paglilitis.

Ito ay dahil maghaharap ang Prosecution team ng 50 witness kung saan nanga­ngailangan umano ang mga ito ng 60 trial setting habang 50 trial settings naman sa hanay ng depensa.

Maghaharap naman ng 37 witness si Revilla para idepensa ang kanyang sa­rili sa nasabing kaso habang 19 witness naman ang isasalang ni Cambe samantala 13 witness kay Napoles.

Kahapon sana ang ­unang araw ng paglilitis sa mga akusado subalit mu­ling naurong ito dahil tinapos muna ang marking ng mga exhibits na ihaharap ng magkabilang panig sa aktuwal na paglilitis.

Inaakusahan ng Office of the Ombudsman na tumanggap umano si Revilla ng P224.5 million na komis­yon kay Napoles matapos idaan sa non-government organization (NGO) ng negosyante ang kanyang Prio­rity Development Assistance Funds (PDAF) na mas kilala sa pork barrel.

Kasama si Napoles sa plunder case na isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Revilla subalit kasama rin ito sa kahalintulad na kaso laban kina dating Sens. Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.