Kapag masipag at magaling ang tauhan mo, iba siyempre ang datingan nito sa pinaka-Boss.
Tulad na lang ng tinatamasang mataas na trust ratings ni Pangulong Digong Duterte, ang daming bumabatikos at pumupuna sa paraan ng kanyang liderato pero tingnan n’yo naman at 74% pa ng mga Pinoy ang bilib sa kanyang administrasyon.
Ang kagandahan sa Pangulo, hindi niya inaangkin lahat ang kredito sa tinatamasang mataas na tiwala ng publiko. Sabi niya, hindi niya ito maaabot kung hindi rin dahil sa mga magagaling at masisipag niyang kaagapay sa gobyerno.
At isa na rito si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Guillermo ­Eleazar na umangat ang klase ng serbisyo sa hanay ng pulisya.
Hindi nagkamali ang Pangulo nang italaga niyang pinuno ng NCRPO itong si Ge­neral Eleazar. Simula kasi nang si General ­Eleazar ang nagmani­obra sa NCRPO, malaki ang ibinagsak sa antas ng kriminalidad. Bukod sa marami siyang nawalis na pasaway at mga scalawag sa kanilang hanay, sandamukal na kriminal ang naghihimas ngayon ng malamig na rehas dahil sa pinaigting niyang kampanya laban sa mga masasamang-loob na nagkalat at naghahasik ng karahasan sa lipunan.
Sa Metro Manila ay tumaas ng 22 percent ang ratings ni Pangulong Digong at ito ay dahil sa peace and order situation sa paligid. Natural, may impact ito sa tiwala ng publiko sa ating Pangulo dahil sa kabila ng katakot-takot na banta sa iba’t ibang lugar at mga masasakit sa ulong problema sa bansa, heto at nagtagumpay si General Eleazar na mapataas ang kalidad ng pamumuno ng pulisya sa Metro Manila.
Hindi naman maikakaila na plus point sa impresyong ibibigay sa Palasyo ang kalidad ng serbisyo ng pulisya, partikular sa Metro Manila, dahil paano mo pagtitiwalaan ang isang gobyerno na mayroong  pulisya na hindi kayang panatilihin ang katahimikan at kaayusan ng paligid?
Kaya nga saludo po kami kay General Eleazar dahil ang malaking bahagi ng tinatamasang mataas na trust ratings ng Pangulo ay bunga ng kanyang pagsisikap at dedikasyon sa serbisyo.
Mula sa QCPD, PRO4-A at NCRPO, alas ang Mamang Pulis na ito dahil sa dami ng accomplishment niya kontra kriminalidad.
Bago siya itinala­gang NCRPO Director, nanungkulan si Gen. Eleazar ng dalawang buwan bilang director ng PRO 4A o Calabarzon, pagkatapos naman ng kanyang panunungkulan bilang QCPD director.
Napakaikling panahon pero sandamakmak na achievements ang nagawa niya.
Iba ang strategy nitong si Sir. Sino ba ang mag-aakalang makakasalo niyang mag-almusal sa pagkain ng maming gala ang lider ng mga aktibista na si Bayan Secretary Gene­ral Renato Reyes noong idaos ang #SONA2018 ng Pangulo?
Usapang lalaki ang nangyari sa dalawang tigasing lider kaya hayun at naging matahimik at payapa ang protesta ng grupo nina Reyes. Kasi nga, na­ngako ang dalawa na walang magaganap na sakitan kaya walang mangyayaring karahasan. Ito ang tunay na palabra de honor.
Kahit na noong ­idaos sa bansa ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, smooth ‘ika nga ang lahat ng galawan sa Metro Manila. Walang iba kundi si General Eleazar pa rin ang piloto sa paglatag ng mga hakbanging tumiyak sa kaligtasan ng mga delegado.
Magaling sa mga pamamaraan itong si General, mahihirapan diyan ang ilang opisyal na mapantayan ang kanyang performance.
Sana nga lang ay kaparis nitong si ­General Eleazar ang lahat ng opisyal. Kinatatakutan dahil sa pagiging disiplinado pero iginagalang naman dahil sa dedikasyon sa serbisyo. Kayo na po Sir!