Hindi maisasagawa ang elite athletes development program na Philippine National Games (PNG) habang mas aagahan ang pagsasagawa ng grassroots youth sports program na Philippine National Youth Games (PNYG)-Batang Pinoy sa susunod na taon.

Ito ang napagdesisyunan sa isinagawang Strategic Planning ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa mga programa at aktibidad nito sa 2019 kung saan inaasahang magiging malaki ang res­ponsibilidad at dagdag nitong gawain dahil sa pagho-host ng Pilipinas sa kada dalawang taong Southeast Asian Games.

Sinabi ni PSC chairman William “Butch” Ramirez na mas pagtutuunan ng pinamamahalaang ahensiya ang pagdedebelop sa mga kabataang atleta at pagpapalawak ng balon ng talento sa mga kanayunan upang makahanap at makahubog ng mga panibagong pambansang atleta.

“Mas tututukan namin ang grassroots dahil iyon talaga ang nasa mandate namin,” sabi ni Ramirez.

Isa sa prayoridad na isasagawa sa susunod na taon ng ahensiya ang torneo para sa 18-anyos pababa na Batang Pinoy na magsasagawa ng tatlong qualifying leg na una sa Mindanao na gaganapin sa Davao Oriental, ikalawa sa Visayas sa Iloilo City at ikatlo sa Luzon na itinakda sa Pangasinan.

Hindi pa naman napipili kung saan gaganapin ang National Finals.

Pansamantala na hindi naman isasagawa ng ahensiya ang PNG na para mga pambansang atleta at mga nagnanais mapabilang sa pambansang koponan dahilan sa inaasahang magiging maigting na pagsasanay at paghahanda para sa isasagawa sa bansa na 30th SEA Games simula Nobyembre 30. (Lito Oredo)