Kumpara sa kanyang mga kapartido na lantarang tumututol sa planong baguhin ang 1987 Constitution, nananatili namang tikom ang bibig at nakabitin ang saloobin ni da­ting Pa­ngulong Benigno Aquino III sa nasabing isyu.

Sa kanyang pagdalo sa isinagawang pasinaya ng bagong tanggapan ng pahayagang Abante-Abante Tonite sa Makati City kahapon, sinabi ni Aquino na ipinauubaya niya sa kanyang mga Boss na – walang iba kundi ang taumbayan – na magsalita ng kanilang pananaw hinggil sa panukalang pagbabago ng Saligang Batas.

Bilang dating pinakamataas na opisyal ng bansa na nabibilang sa oposisyon, hindi aniya magandang tingnan na magkomento siya sa ba­lakin ng admi­nistrasyong Duterte at maakusahan ng “self-serving”.

Tumanggi rin ang dating pangulo na magbigay ng “generic” na obserbasyon sa nasabing panukala dahil wala pa aniya siyang nababasa sa ipinapanukalang babaguhin sa Konstitusyon.

Dagdag ni PNoy, mahirap magsalita­ sa isang inisyatiba na kakaunti o wala siyang ganap na kaalaman.

Umaasa naman umano ang dating Presidente na magiging­ mabuti para sa mas nakararami­ ang balakin ng gobyerno na amyendahan­ ang 1987 Constitution.

Kumpiyansa rin si PNoy na gagawin ng gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya upang ipaalam sa taumbayan ang benepisyo ng isinusulong nitong ­Pederalismo lalo pa’t ang pagsang-ayon at pagiging matagumpay ng panukalang pagbabago sa kasaluku­yang Charter ay nakasalalay sa mga kamay ng sambayanang Filipino.

Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, lumitaw na dalawa sa bawat tatlong Filipino o katumbas na 67 percent ang tutol sa planong baguhin ang 1987 Constitution.