Patay ang isang opisyal ng pulisya na nangunguna sa anti-drug operation matapos tambangan ng dalawang kalalakihan habang pauwi sa kanilang bahay sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Ayon sa pulisya, agad nasawi ang 46-anyos na si Senior Inspector Orlando Guira dahil sa tama ng bala sa katawan matapos itong pagbabarilin ng mga hinihinalang hired killers na tumakas sakay ng motorsiklo nitong Sabado ng gabi.
Masuwerte namang hindi nadamay sa pamamaril ang kanyang misis na sumakay lamang ng tricycle sa pag-uwi nito.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala mula caliber .45 revolver.
Nabatid na si Guira ay miyembro ng isang anti-drug special task force sa Cotabato City, ngunit hindi pa mabatid kung ganti ba ng mga drug lords ang pagpatay sa kanya.