Sunod-sunod na ang mga nangyaya­ring pagpatay sa iba’t ibang panig ng bansa na karamihan ay kinasasangkutan ng mga kilalang personalidad o politiko.

Pinakahuling napatay sa pananambang ay si AKO Bikol party-list Representative Rodel Batocabe habang ito ay namimigay ng regalo sa lalawigan ng Albay.

Aabot na sa 30 mil­yong piso ang inilaang pabuya mula sa mga kongresista para sa sinuman na makapagbibigay ng impormasyon sa pag-aresto sa responsable sa krimen.

Bukod kay Cong. Batocabe ay marami na ang napaulat na inambush at napatay na mga alkalde, bise alkalde, konsehal, kandidato sa 2019 elections at ilang negosyante.

Marami sa mga kasong pagpatay ay hindi pa natutukoy ng PNP kung sino ang mismong bumaril at pumatay gayundin ang utak ng krimen.

Kaya naman ay nasa kamay ngayon ng PNP ang responsibilidad sa mabilis na pag-aresto sa mga suspek at mastermind upang matigil na ang nasabing krimen.

Matapos ang pag-aresto ay hindi pa natatapos dito ang kaso at kailangang mabilisang paglilitis ng korte sa kaso at mahatulan upang maipakulong.

Kung mabilis ang pag-aresto ng PNP sa mga kriminal at mabilis din ang paglilitis sa kaso ay maaring ito ang isa sa pangunahing magpapatigil o magbabawas sa nangyaya­ring krimen ngayon sa bansa.

Hindi sagot dito ang pagsuspinde ng pag-iisyu ng permit to carry o pagdadala ng sibilyan ng baril.Karamihan naman sa mga kriminal ay hindi naman gumagamit ng lisensiyadong baril kung kaya’t walang saysay ang pagkansela sa permit to carry ng baril sa mga sibilyan.Ang publiko ay may papel din sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon lalo na sa mga posibleng nakasaksi ng krimen at huwag matakot upang mabilis na malutas ang kaso.