PNP binalik sa war on drugs

Sa file photo na ito na kuha noong Oktubre 3, 2017, makikita si Nanette Castillo na nakatingin sa bangkay ng kanyang anak na si Aldrin, umano’y drug user, matapos itong tadtarin ng bala ng hindi nakilalang kalalakihan sa Maynila. Kahapon, sinabihan ni Pangulong Duterte ang human rights group nang “go to hell” matapos niyang ibalik ang PNP sa war on drugs. (AFP)

Maaari na muling magpatupad ng anti-drug operations ang Philippine National Police (PNP) makaraang magpalabas ng memorandum si Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Nakasaad sa memorandum ng Pangulo na may pagtaas sa bilang ng krimen sa bansa simula alisin sa poder ng PNP ang anti-drug campaign at inilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Bukod dito, mataas din ang clamor o pa­nawagan ng publiko na ibalik sa PNP ang ope­rasyon sa iligal na droga­ dahil tila lumakas ang loob ng mga kriminal nang alisin sa mga pulis ang operasyon.

Dahil dito sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na bukod sa PNP ay ina­tasan na rin ng Pangulo­ ang National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Customs (BOC) at Philippine Postal na ipagpatuloy ang aktibong pagsuporta sa PDEA.

Ang PDEA pa rin ang magiging pangkalaha­tang lead agency sa ­anti-drug campaign at ang ano mang aksiyon ng PNP ay kailangang nasa superbisyon ng PDEA.

“The NBI, PNP, AFP, BOC, Philpost and other agencies involved in anti-illegal drugs task force shall resume in providing active support to PDEA. PDEA shall continue be the overall lead agency in anti-drug campaigns and operations, DDB planning and strategy making body in planning and formulation of policies on drug control; ICAD submit monthly reports to the Office of the President on anti-illegal operations,” ang ba­hagi ng memorandum na binasa ni Roque.

Matatandaang inalis ng Pangulo sa kontrol ng PNP ang anti-drug ope­rations noong October 11, 2017 dahil sa insidente nang pagkamatay ng dalawang kabataan na pinatay umano ng mga pulis-Caloocan.

Handa naman ang PNP sa panibagong ­misyon at ayon pa kay spokesman, Chief Supt. Dionardo Carlos, ­gagamit na sila ng body ­camera sa drug operation upang mawala ang pangamba ng marami na hindi totoong nanlaban ang mga napapatay sa ­operasyon.

“PNP will utilize body cameras; will put more focus in ­internal ­cleansing; will ­allow ­other sectors to join/­witness the ops for ­transparency,” ani Carlos.