PNP binusalan pamilya ni Doc

Nagpasaklolo na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ng isang police doctor na nasawi dahil sa komplikasyon matapos na makalanghap ng nakalalasong kemikal habang sumasailalim sa decontamination process sa quarantine facility sa Philippine Sports Arena (dating ULTRA), noong Mayo 24, 2020.

Ito’y matapos na hindi isapubliko ng Philippine National Police (PNP) ang insidente at hiniling pa umano sa pamilya ng nasawing si Police Captain Casey C. Gutierrez na huwag magsasalita sa publiko tungkol sa insidente.

Nabatid na ang nasawing police doctor ay nakatalaga sa PNP Health Service at naka-assign sa ULTRA.

Kinumpirma ni NBI Director Eric Distor na kasalukuyan nang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang Death Investigation Division ng kanilang ahensya hinggil sa pagkamatay ni Gutierrez.

Ayon kay Distor, hiniling ng pamilya ang tulong ng NBI na magsagawa ng hiwalay na autopsy sa mga labi ng doktor.

“Apart from who is ultimately accountable for the death due to possible negligence on the decontamination process, we consider the case a public health issue. The public should be aware of the danger of mishandling dangerous chemicals,” sabi ni Distor.

Base sa police report, kasama ng 30-anyos na si Gutierrez ang lima pang medical staff nang makalanghap ng kemikal habag sumasailalim sa decontamination process sa ULTRA.

Na-confine si Gutierrez sa PNP General Hospital dahil umano sa pneumonitis habang nakalabas naman na ang kanyang mga kasamahan.

Dinala siya kalaunan sa Lung Center of the Philippines kung saan ito pumanaw noong Mayo 30. (Nancy Carvajal)