Napatunayan na nagiging epektibo ang lehitimong police operation ng mga pulis sa Quezon City dahil nasasawata nito ang iba pang mga krimen maliban sa droga. Ito ay matapos na magkahabulan bago nakipagbarilan ang dalawang suspek na biglang umiwas sa checkpoint ng PNP.

Timely ang pangyayaring ito dahil sa naging pagtalakay sa pagdinig ng senado na sinasabi ng iba na hindi armado at hindi rin nanlalaban ang mga suspek sa droga na inaaresto ng PNP. Dalawang lalaki na hinihinalang magnanakaw ang napatay makaraang makipagbarilan sa mga tropa ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na umiwas sa checkpoint na inilatag ng PNP.

Sa ulat ni Chief Insp. Rogelio Diaz, commander Police Community Precinct 3 ng QCPD Station 1, wala silang nakuhang pagkakakilanlan sa mga nasawing suspek na kapwa nasa pagitan ng 25 hanggang 35-anyos kung saan ang isa sa kanila ay may tattoo na “so much pain” sa kanyang braso.

Ayon sa report, naganap ang engkuwentro sa bahagi ng Sto. Domingo St., kanto ng Samat St., Brgy. Sto. Domingo QC, dakong ala-1:10 ng madaling-araw noong September 6. Nagsasagawa umano ang kanilang tropa ng checkpoint sa kahabaan ng Sto. Domingo St., kanto ng N.S. Amoranto St., nang maispatan nila ang isang tricycle sakay ang dalawang suspek na papalapit.

Pero nang makita umano ng mga suspek ang checkpoint, sa halip na magtuloy ay bumuwelta ang tricycle ng mga suspek saka humarurot patungo sa northbound lane ng Sto. Domingo patungong Quezon Avenue. Nagkaroon ng habulan hanggang sa paputukan umano ang mga operatiba ng mga suspek na nauwi sa palitan ng putok at ikinasawi ng mga huli.

Nasamsam ng mga operatiba sa crime scene ang isang bag na naglalaman ng apat na piraso ng plastic sachet ng shabu, isang plastic sachet ng marijuana, drug paraphernalia at dalawang kalibre .38 baril. Sa nakitang mga sketch ng bahay sa katawan ng mga suspek, hinihinalang holdap gang members ang mga ito. Magaling dahil kahit gabi ay gumagalaw at nagtatrabaho ang kapulisan sa Quezon City.

Isang malaking accomplishment ito para kay QCPD Director Senior Supt. Guillermo Eleazar at sa kanyang mga tauhan na walang humpay na gumaganap sa kanilang mga tungkulin kahit nasa panganib ng kanilang mga buhay.

****

Sa halip na umangkat pa galing sa ibang bansa, plano ng gobyernong Duterte na ipagkaloob na lamang sa local manufacturer ang pag-iimprenta ng driver’s licence at paggawa ng plaka ng sasakyan. Kinumpirma ito ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa pagdinig ng House Committee on Transportation tungkol sa emergency power na hinihingi para kay Pangulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang problema sa trapiko.

Ito ang naiisip na solusyon sa para maresolba na ang problema sa matagal nang problema ng LTO sa pagkainip ng mga motorista sa pagkakabalam ng lisyensya at plate number ng kanilang mga sasakyan.

Ayon kay Tugade, nag-uusap na ng DOTr at ang Presidential Communication Operations Office (PCOO) para ang gobyerno na mismo ang mag-iimprenta.

Bakit nga ba hindi? Kung tutuusin, kayang-kaya naman talaga nating gawin ‘yan locally. Baka mas pulido at mas mura pa kung dito na lamang sa atin gagawin. Huwag lang sana mapasukan ng kurapsyon at katakut-takot na red tape na naman!