PNP chief sa EJK Senate inquiry, bakit hindi?

Sang-ayon na si Senador Panfilo Lacson na ipatawag si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa nilulutang na imbestigasyon ng Senado kaugnay sa lumalaking bilang ng extra judicial killings sa bansa.

Noong una ay ayaw kagatin ni Sen. Ping ang inilalatag ni Senadora Leila de Lima na pagpapatawag kay Gen.

Bato pero nang makarating sa kaala­man ni Lacson na mahigit na sa 600 ang napapatay ng vigilantes at riding in tandem hanggang nitong kata­pusan ng buwan ng Hulyo ay nagbago na ito ng desisyon.

Kung susumahin, napakalaki ng bilang ng average per day ang napapatay kung pagbabasehan ang sinasabing mahigit sa 600-katao ayon kay Lacson at nakakaalarma na ito.

Pero sa tingin ko dapat ding samantalahin ni Gen. Dela Rosa ang pagdalo sa imbestigasyon ng Senado upang maiparating ang kanyang saloobin hinggil sa mga akusasyong ibinabato sa kanyang pamunuan.

Sayang ang tsansang ito dahil tiyak namang makukuha ng PNP at ng gobyernong Duterte ang suporta ng Senado sa labang ito kontra iligal na droga maiparating lamang ng PNP chief ang tunay na mensahe kaugnay sa ginagawa nilang pagdurog sa sindikato.

Sabagay mahirap ding ibatong lahat ang sisi sa PNP dahil baka may nagsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon.

Hindi kasi malayong may sumasabay ng pag­likida upang ibintang lahat sa kapulisan ang kaliwa’t kanang pagtumba sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.

Sabagay nga naman sa kainitan ng kampanya kontra iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte ay talagang marami ang nasagasaan, marami ang nawalan ng limpak-limpak na kita dahil sa pagtigil ng ope­rasyon ng iligal na droga kaya lahat ng paraan ay gagawin ng sindikato para sirain ang imahe ng PNP.

Maaari ring taktika ito ng sindikato upang takutin ang ating kapulisan na pursigido sa pagdurog sa iligal na droga.

Kaya sa tingin ko dapat na lumarga si Gen. Bato dahil magandang pagkakataon ito para maipakita niyang buo pa rin ang loob ng PNP sa laban kontra iligal na droga sa kabila ng inaaning batikos.

Na kahit anong gawing pagharang sa pamamagitan ng kung anu-anong imbestigasyon ay walang makapipigil sa PNP para lipulin ang mga sangkot sa iligal na droga na sumira sa buhay ng napakarami nating kababayan lalo na ang mga kabataan.

Huwag sanang maging sagabal ang ilan sa gina­gawang pagpupursige ng gobyernong Duterte na malinis ang bansa kontra iligal na droga dahil para rin naman sa kabutihan nating lahat ito, lalo na ang mga kabataang nawawasak ang kinabukasan dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)