PNP-CIDG pinakilos vs mga tiwaling barangay exec

Nais ng Malacañang na mabigyan ng leksiyon ang mga tiwaling opisyal ng barangay na nangungumisyon sa emergency cash assistance sa pamamagitan nang pagpapakulong sa mga ito.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng mga natanggap na reklamo na may mga barangay official na gumagawa ng diskarte para makahati sa ayuda ng mga mahihirap na pamilya katulad ng paghingi ng donasyon, membership fee, at iba pang paraan.

Sinabi ni Roque na hindi palalampasin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga ganitong maling aksiyon kaya kapag nahuli ang mga ito ay dapat ikulong sa mga bakanteng quarantine facilities.

“Kung mayroon lang espasyo doon sa ginawa nating mga sentro para sa mga maysakit at hindi sapat ang kulungan, doon natin sila ikulong para maturuan ng leksiyon na huwag kanain ang ayuda na nakalaan para sa pinakamahihirap sa ating lipunan,” ani Roque.

Inatasan na aniya ng DILG ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na imbestigahan ang mga reklamo laban sa mga barangay executive na nangunguwarta at nakikihati sa ayuda ng mga mahihirap na Pilipino.

“Nagkaroon na po ng pag-uutos sa CIDG. Sila po ang itinalaga para tumanggap ng mga reklamong gaya nito. So pumunta po kayo sa CIDG at hulihin ang mga opisyales na `yan,” dagdag ni Roque.

Batay sa pahayag ng DILG, marami na silang natanggap na reklamo kaugnay sa pamamahagi ng emergency cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) kaya iimbestigahan ang mga ito.