PNP full force sa Libreng Sakay

Nagpalabas ng mga bus at trak ang Philippine National Police (PNP) kahapon sa kanilang libreng sakay upang matugunan ang kakulangan sa transportasyon ng mga empleyadong nagbabalik trabaho sa Metro Manila.

Ito’y matapos atasan ni PNP Chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa ang Directorate for Police Community Relations (DPCR) at Police Community Affairs and Development Group (PCADG) na dagdagan ang kanilang mga sasakyang ginagamit sa programa para makatulong sa mga apektado ng kakulangan ng pampublikong transportasyon.

Ayon kay Police Community Relations Director Major General Dionardo Carlos, dakong alas 5:30 ng umaga nang pumasada sa kalsada ang karagdagang 12 bus at troop carrier mula sa PNP Special Action Force, LSS ang pinagamit sa kanila para sa programa sa Metro Manila.

Nagpapatupad din aniya ng kani-kanilang libreng sakay ang mga Police Regional Office sa pakikipagtulungan ng mga Local Government units.

Sinabi ni Carlos na may instructions ang mga PNP personnel na kasama sa programa na ipatupad ang physical distancing kaya 50 porsyento lLang ng kapasidad ng mga sasakyan ang maaring gamitin.

“It is our desire to ferry more people but we give premium to the health and safety of the public availing of these services. We hope for the understanding of everyone,” said Carlos.

Humingi naman ng pasensya sa publiko si Carlos kung hindi nila maisasakay ang lahat ng stranded na pasahero, pero kailangan aniyang istriktong ipatupad ang mga health protocols para sa kaligtasan ng lahat.

Samantala, inamin naman ni PNP Spokeperson Brig General Bernard Banac na marami pa rin silang namomonitor na mga stranded na mga commuter dahil sa kakulangan ng public transportation subalit mas naging maayos ngayon kumpara noong Lunes na unang araw ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila.(Edwin Balasa)