Todo handa na ang pulisya sa kaliwa’t kanang pagkilos na ilulunsad sa ikalawang SONA ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ngayon.

Sinabi ni PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos na kahapon pa lamang ay sinimulan nang ilatag ng Quezon City Police District ang kanilang skeletal force bilang paghahanda sa mga raliyista na inasahan nang magsisimula kahapon din sa Metro Manila partikular sa Quezon City.

Sa plano, mahigit 6,000 mga pulis ang ikakalat sa iba’t ibang security sub-task group habang may ilalatag din sa paligid ng Batasan Complex at piling lugar sa Commonwealth Ave­nue.

“Alerto na po naman ang mga pulis sa Quezon City para magbantay at mag-monitor ng sitwasyon sa Batasan. Tututok po sila bago pa magsimula at matapos ang SONA ng ating Pa­ngulong Duterte,” pahayag ni Carlos.

May nakatutok na ring mga pulis sa mga designated areas na maaaring pagdausan ng kilos protesta.