PNP hinamong tugisin ang nasa likod ng EJK

Mariing kinondena ni Vice President Leni Robredo ang walang puknat na pagpatay o extrajudicial killings (EJK) na nangyayari ngayon sa bansa na sadyang umanong nakakabahala.

Sa isang pahayag na inilabas ni Robredo kahapon, hiniling nito na dapat nang matigil ang walang saysay na karahasang ito sa gitna ng anti-drug operations ng Pambansang Pulisya.

“Hindi dapat natin tinatanggap ang isang kulturang sinusulong ang takot, pagpatay at kawalang respeto sa karapatan ng isang tao na mabuhay,” ani Robredo.

Bukod sa mga drug personalities na napapatay dahil umano lumaban sa mga umaarestong kagawad ng Philippine Natio­nal Police (PNP) ay marami pang ibang mga biktima ang itinutumba ng mga hindi kilalang salarin.

Dahil dito, hinamon ni Robredo ang PNP na imbestigahan ang mga nasa likod ng EJK dahil inilalalagay ng mga ito ang batas sa kanilang kamay.

Kailangang mapanagot umano ang mga ito dahil kung hindi ay magpapatuloy ang ganitong uri ng pagpatay kung saan ina­alisan ang mga biktima ng karapatang mabuhay.

“Ang pagtaas ng bilang ng extrajudicial kil­lings ay panawagan sa ating lahat na igalang ang karapatan ng isang tao na magkaroon ng isang tapat at malinis na paglilitis,” ayon pa kay Robredo.

Wala aniyang sinuman na may karapatang kumitil ng buhay kahit pa ang mga biktima ay may pagkakasala kaya dapat nang matigil ito sa lalong madaling panahon.