PNP-HPG overkill iimbestigahan

Bumuo ng task force ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) para imbestigahan ang pagkamatay ng motorcycle rider na si John Dela Riarte matapos umanong barilin ng isa sa dalawang pulis na umaresto sa kanya sa isang vehicular accident sa Makati City.

Ito’y matapos dumulog ang kapatid ng biktima na si Robert Dela Riarte sa NBI kamakalawa para hili­ngin na magkaroon ng imbestigasyon sa pagkamatay ng kanyang bunsong kapatid.
Ayon kay NBI-Death Investigation Division Chief Danielito Lalusi, mamumuno sa hanay ng PNP-HPG si Sr. Supt. Flor Torres.

Magsasagawa aniya sila ng forensic examination sa mobile car na pinagsakyan kay Dela Riarte, ma­ging ang pag-awtopsiya sa bangkay nito at iimbestigahan din ang mga traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) gayundin ang drayber ng sasakyan na nabangga umano ng biktima.

“Kailangan matukoy namin sa isasagawa ng imbestigasyon kung ano talaga ang nangyari. Dapat makakuha rin ng mga witness para malaman kung anong kaso ang isasampa namin sa pumaslang sa kanya,” ayon kay Lalucis.

Samantala, handa umano ang PNP-HPG na magpaliwanag sa NBI kaugnay sa isyung binaril at napatay ang biktima habang naka-posas na ito para ma­bigyan ng linaw ang mga pangyayari.

“Karapatan naman nila (pamilya ng nasawi) na magpa-imbestiga at dumulog sa kinauukulan sa sinapit ng kanilang kaanak, at ito naman po ay aming haharapin,” wika ni PNP-HPG spokesperson Supt. Elizabeth Velasquez.