Tahasang inakusahan ng legal counsel ng mag-asawang Melvin at Meriam Odicta ang Philippine National Police (PNP) na may kinalaman sa pagpatay sa mga ito.

Sa isang panayam kahapon kay Atty. Raymond Fortun, nakakatanggap na ng pagbabanta sa buhay ang mag-asawang Odicta mula pa noong Hunyo at hindi umano ito galing sa mga sinasabing illegal drug associates pero mula sa PNP.

“As early as June 2016, takot na takot ang mag-asawa na may papatay sa kanila and it will come daw from PNP,” ani Fortun.

“Wala silang pangamba sa mga alleged drug associates kasi alam naman nila at sinabi naman nila sa akin, na hindi naman daw sila dawit sa drug activities. May mga bali-balita na ang papatay sa kanila ay ang kanilang mga drug associates, walang katotohanan ‘yan. Gawa-gawa lang ‘yan ng mga pulis yan,” dagdag pa ng abogado.

Matatandaan na pinagbabaril at napatay ang mag-asawang Odicta noong Agosto 29 habang nasa pantalan ng Caticlan Jetty Port, ilang araw matapos isangkot sa illegal drug activities sa Visayas region.

Kaugnay nito, sinabi ni Fortun na bagama’t maituturing na speculative ang mga tinatanggap na report, nagpasya na itong maglabas ng pahayag dahil sa tinataggap na pagbabanta bunga ng mga ulat na may hawak na itong kopya ng drug matrix mula sa mag-asawa.

“The only reason na kailangan ko magsalita kasi ang kumakalat sa Region 6 na ang drug matrix ay nasa kamay ng mga abogado. That makes me a target,” wika pa ni Fortun.

“Nililinaw ko, walang drug matrix na binigay si Melvin sa mga pulis, walang drug matrix na binibigay sa mga abogado at kung meron mang binigay sa abogado, mayroon kaming attorney-client privilege. ‘Di namin pwede ipagkalat ang anumang info na ibigay ng kliyente namin,” paliwanag pa ni Fortun.

One Response

  1. bakit naman kaya papatayin sila ng pulis kung di sila mga drug trafficker? dahil pinatay sila may kasalanan sila o may nilabag na rules malamang sa mga sindikato…bakit naging abogado ka ng mga odicta bakit mo sila pinagtatanggol? kung wala silang kasalanan wala silang kaso, di ba mr fortun?