PNP: Kaso ng homicide kaugnay sa illegal drugs

PNP Logo

Maliit na porsyento lamang sa naitatalang kaso ng mga pagpatay ang may kinalaman sa kaso ng ilegal na droga sa bansa.

Ito ang pinanindigan ng PNP sa harap ng mga kaliwa’t kanang pagbatikos na naman sa kanila sa dumaraming kaso ng pagpatay na may kinalaman sa operasyon kontra ilegal na droga ng pulisya at suspek ang pulis.

Batay sa rekord ng PNP Directorate for Investigation and Detective Manangement (DIDM) 2.5 percent lamang sa 15, 911 na kaso ng homicide ang may kinalaman sa ilegal na droga.

Ito ay batay sa kanilang rekord mula Hulyo 1, 2016 hanggang Setyembre 15, 2017.

Pero nilinaw ni PNP Spokesman Police Chief Supt. Dionard Carlos na hindi pulis ang suspek sa mga pagpatay na may kina­laman sa ilegal na droga.

Kahapon, una nang sinabi ni Carlos na walang matibay na basehan ang ginawang tanong ng survey ng Social Weather Station. Sa naging resulta kasi ng survey lumalabas na kalahati sa mga Pilipino ay hindi naniniwalang nanlaban ang mga napatay sa anti-illegal drugs ope­ration.