Higit sa 100 magsasaka ang nagsagawa ng kilos-protesta sa harapan ng gate 2 ng headquarters ng PNP sa Camp Crame kahapon kasabay ng paggunita ng Araw ng Paggawa.
Mahigit isang oras na binulabog ng grupong Madaum Agrarian Reform beneficiaries Incorporated na mula sa Southern Mindanao Region ang mga pulis sa Camp Crame sa isinagawa nilang kilos-protesta bilang pagpapakita ng pagkondena sa umano’y kawalan ng aksyon ng PNP sa pangha-harass sa mga magsasaka sa Tagum, Davao del Norte.
Sa pagtitipon ng grupo na nagsimula bandang alas-nuwebe ng umaga, kinokondena ng grupo ang hindi pagbibigay ng proteksyon ng mga pulis sa mga magsasaka laban sa umano’y panggigipit ng Lapanday Food Corporation sa Tagum.
Nakiisa rin sa protesta ang grupo ng Anakpawis sa umano’y marahas na aksyon ng pamilya Lorenzo na gumagamit ng private army para i-harass ang mga magsasaka na tunay na mga may-ari ng nasa 149 ektaryang lupain ng Lapanday.
Ang kilos protesta sa Camp Crame ay isinagawa dalawang araw matapos namang atakehin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang Lapanday Food Corporation sa Davao del Norte.