Palakas umano nang palakas ang loob ng mga pulis sa pagpatay dahil kung dati-rati ay disimulado pa ang nagaganap na pagpatay sa mga suspek sa ilegal na droga, ngayon ay lantaran na at tila wala nang kinatatakutan.
Ganito inilarawan ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano ang kaso nang pagpatay sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos na ayon sa pulisya ay napatay matapos manlaban sa mga pulis-Caloocan na nagsasagawa ng Oplan Galugad sa Sta. Quiteria, Caloocan City. Subalit sa kuha ng CCTV ng barangay ay nakitang binitbit lamang ito ng dalawang naka-civilian na pulis hanggang sa matagpuang patay.
“Ito ay nakakalungkot dahil patuloy ang pagpatay sa mga suspetsado na ‘di na dinadaan sa proseso ng batas,” ani Alejano kaya hindi nito maisip kung paano ito nagagawa ng mga pulis na tila wala ng konsensya.
Pinaalalahanan ng mambabatas ang mga pulis na huwag magpista sa pagpatay dahil kung inutos man ito sa kanila ay ilegal ito at mananagot pa rin ang mga ito sa batas balang araw.
“Sa mga sangkot na miyembro ng kapulisan sa pagpaslang ng mga suspetsado, ilegal ang utos na ito. You serve and protect the Filipino people. That is your oath. You are not the private army of Duterte. Hindi habambuhay nasa pwesto si (Pangulong Rodrigo) Duterte,” ayon pa sa kongresista.
Dapat aniyang alalahanin din ng mga ito na na hindi lang ang mga suspek sa ilegal na droga ang pinapatay ng mga pulis kundi ang demokrasya sa bansa dahil wala ng paggalang ang mga ito sa rule of law.
Samantala, dahil sa mga patayan, ipinabubura ng isang militanteng mambabatas sa Kongreso ang P900 milyon na pondo ng Philippine National Police (PNP) na laan sana sa Oplan Double Barrel Reloaded.
Ayon kay Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, lalo pang darami ang mga mamamatay kapag inarmasan ng P900 million ang PNP sa giyera kontra ilegal na droga.
Sinabi ni Casilao na sa nakaraang tatlong anti-drug at anti-crime operation ng PNP, umaabot ng 80 ang namatay kaya hindi na umano ito simpleng patayan kundi isang uri ng ‘mass killing.’
“We condemn this act of madness, as if the accused comes from poor sectors, the result is consistently gruesome,” ani Casilao.
Dahil aniya sa nangyayaring ito, mistulan aniyang nasa ilalim na ng Martial Law ang buong bansa dahil namamayani na ang paglabag sa basic rights ng mga mamamayan habang walang napaparusahan.
Sinabi rin ni Casialo na hindi puwedeng matawag na giyera kontra ilegal na droga na ang nangyayari dahil ang mga pinapatay ay hindi lumalaban tulad ng kaso ni Kian.