Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año para linisin sa korapsyon ang Philippine National Police (PNP) na malaking sakit ng ulo aniya ng
kahit sinomang administrasyon sa gobyerno.
Ayon sa Pangulo, binigyan niya ng blanket authority ang kalihim para ayusin ang mga problema sa PNP.
“Historically, the police, the has always been a big problem for any administration. Alam ninyo ‘yan. And I think that with the remaining two years, if I can just fix a third of what’s bugging the PNP, and that is corruption,” anang Pangulo.
Sabi ni Pangulong Duterte, nasa mga kamay na ngayon ni Año kung paanong aayusin ang mga problema sa PNP.
Matatandaang tumanggi ang Pangulo na magtalaga ng kapalit ng nagretirong si PNP Director General Oscar Albayalde dahil maghahanap pa siya ng isang opisyal na walang bahid ng korapsyon.
Si Albayalde ay nasangkot sa isyu ng iligal na droga bago magretiro sa PNP. Bukod pa rito ang isyu hinggil sa mga ninja cop o mga pulis na sangkot din sa kalakaran ng iligal na droga. (Prince Golez)