Pinatutukan ng Philippine National Police (PNP) sa anti-cyber group ang paghanap ng solusyon para mapigil ang pagkalat ng online game na ‘Momo Challenge’ na nag-uutos sa mga batang saktan ang kanilang mga sarili at kapwa.

Ito ay matapos ang nangya­ring pagpapakamatay ng isang 11-anyos na estudyante sa loob mismo ng kanilang paaralan na ipinalalagay na may kaugnayan sa nasabing online game.

Mismong ang ina ng nasabing bata ang nagkuwento kaugnay ng kakaibang kilos ng kanyang anak na umano’y hindi niya gaaanong binigyan ng pansin, subalit nang isugod umano ang kanyang anak sa ICU sa isang ospital ay may sinabi ang kanyang anak bago ito binawian ng buhay na “I will follow my master, and I will kill them all.”

Labis umanong ipinagtaka ng nanay ang sinabi ng anak at dito na niya nakita ang ilang naka­kabahalang mensahe tungkol sa suicide game sa cellphone ng anak kung saan inuutusan ang mga bata na saktan ang kanilang sarili sa bahagi ng ‘Blue Whale’ at ‘Momo challenge.’

Hinimok din ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang na maging mapagmatsag sa kanilang mga anak lalo na sa digital activity ng kanilang mga anak kaugnay nang nauusong online game na ‘Momo challenge’ na nauuwi sa suicide.

Sa isang statement, sinabi ng DepEd na kailangang ma­ging bukas ang komunikasyon ng mga bata sa kanilang mga magulang upang mapaalalahanan ang mga ito sa masamang dulot ng nasabing online game.

“Parents and guardians are urged to maintain an open communication with their children, educate them about responsible online behavior, monitor what they access online, and help them understand that their parents and guardians are the foremost people they can trust about matters that make them feel uncomfortable, coerced, or unsafe,” sabi ng DepEd.

Ayon sa PNP, kailangan nila ng tulong ng mga magulang at mga guro para mabantayan ang ikinikilos ng mga anak at estud­yante. Dapat na bantayan kung may pagkabalisa, kawalan ng gana at kakaibang kilos ng mga bata.

Makikipag-ugnayan na ang PNP Anti-Cybercrime Group sa Department of Information and Communications Technology at sa National Telecommunications Commission (NTC) para maghanap ng solusyon kung paano maiba-block ang ‘Momo Challenge.’