PNP naghahanda sa GCQ

Pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagpasok sa General Community Quarantine (GCQ) ng National Capital Region (NCR) pagkatapos ng buwan ng Mayo.

Ayon kay Police Lt. General Guillermo Eleazar at commander din ng Joint Task Force Covid Shield, mas mahirap ang kinakaharap na trabaho ng pulisya sa pagpapatupad ng peace and order sa GCQ kaya kinakailangan nilang magkaroon ng panibagong adjustment kapag nagbukas na ang mga commercial establishment sa Metro Manila.

Bukod sa Metro Manila, inaasahan na isasailalim sa GCQ ang Cebu City gayundin ang Laguna.

“GCQ means further reopening the economy and reviving livelihoods, but we know that this will be more challenging,”pahayag ni Eleazar sabay amin na mas madaling bantayan ang seguridad sa Metro Manila noong nasa ECQ pa ito.

Paliwanag pa ni Eleazar, sa ilalim ng GCQ ay hindi lahat ng sasakyan sa kalsada ay kailangang tignan upang hindi tumukod ang trapiko dahil inaasahan na maglalabasan na ang mga sasakyan sa kalsada bukod pa ang inaasahang muling pagtaas ng krimen dahil sa muling paglabas ng mga tao sa kani-kanilang bahay.

“It’s possible for crime to increase. What we’re after, comparing non-ECQ time to now, is to maintain the low incidence of crime,” saad ng opisyal.

Matatandaang bumaba ng halos 60 porsyento ang crime rate sa buong bansa mula ng ipatupad ang Enhance Community Quarantine noong Marso 17.

Base sa datos ng PNP mayroong 10,398 na krimen ang naitala mula Enero 9 hanggang Marso 16, 2020 kumpara lang sa 4,126 na kaso mula March 17 hanggang Mayo 23 ngayong taon.

Samantala ayon naman kay Department of Defense Secretary Delfin Lorenzana, oobserbahan ng gobyerno ang ilang batayan upang malaman kung dapat ng ilagay sa GCQ ang Metro Manila sa darating na Hunyo 1, 2020.

Ayon kay Lorenzana, titignan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang COVID-19 ang trend sa Metro Manila ngayong linggo upang mapagdesisyunan kung ibababa ang modified enhanced community quarantine sa general community quarantine, o hindi.

Ang binanggit na mga batayan ni Lorenzana ay ang hindi pagdami ng mga kumpirmadong kaso, single digit lang ang kada tala ng mga namamatay, at dumarami ang mga gumagaling.

Kapag ibinaba na sa GCQ, piling lugar na lang ng may mga matataas ang bilang ng mga COVID-19 positive ang sasailalim sa lockdown, depende sa desisyon ng mga lokal na opisyal.(Edwin Balasa)