PNP naka- full alert status sa bagyong Ambo

Mananatili sa full alert status ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng posibleng epekto ng Bagyong Ambo sa bansa.

Kasunod ito ng bababala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang mga lugar na tatatamaan ng bagyo partikular sa Eastern Visayas, Albay, Catanduanes, Sorsogon at Masbate.

Ayon kay PNP spokesman Police Brig Gen. Bernard Banac, inatasan na ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa ang lahat ng mga unit commanders na makipag-ugnayan sa City Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga bayan na kanilang nasasakupan.

Tiniyak naman ni Banac na nakahanda ang kanilang hanay upang rumesponde sa pagtama ng bagyong Ambo sa pakikipagtulungan sa mga local government unit.

Magpapatuloy din umano sa mahigpit na pagpapatupad ng mga quarantine guideline ang PNP at tinitiyak na nakasusunod pa rin sa minimum health standards sa mga isasagawang response operation.(Edwin Balasa)