PNP nasa mabuting kamay ni Albayalde

Broadcaster's view-ely-saludar

Isang tama at matinong desisyon ang ginawa ni Pangulong Duterte sa kaniyang pagkakatalaga kay Police Director Oscar Albayalde bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).

Sa estilo ni Alba­yalde ay tila nasa ma­buting kamay ngayon ang PNP upang mas maging epektibo ito na maiangat ang kalidad ng serbisyo ng pambansang pulisya.

Kung matatandaan si Gen. Albayalde, na noong kakaupo ito bilang hepe ng PNP-NCRPO, ay binanggit ko na ipagpatuloy niya ang kaniyang estilo at diskarte ay siya ang susunod ng hepe ng PNP.

Naging guest ko noon si Albayalde sa aking TV program sa NET 25 at sinabi ko na siya ang susunod ng PNP chief pero ang sabi niya ay, “Malabo ‘yan ay ang iniisip n’ya lang ay trabaho.”

Wala naman tala­gang mag-aakala na si Albayalde ang susunod na PNP chief dahil may mga mas senior sa kaniya at higit sa lahat ay hindi naman siya taga-Davao.

Tama ang pahayag ni Senador Ping Lacson na dating PNP chief, na disiplina sa mga pulis ang susi upang magtagumpay si Albayalde sa kaniyang pamumuno sa pambansang pulisya.

Bago pa man pa­ngalanan ni Pangulong Duterte si Albayalde na susunod na PNP chief ay naging aktibo ito sa kaniyang kampanya sa Metro Manila sa pagsasagawa ng sorpresang inspeksiyon sa mga police station, kung saan ay naaktuhan nito na may natutulog na pulis.

Nakita ng publiko kung papaano magtrabaho si Albayalde kaya naman maaaring isa ito sa naging batayan mismo ng Pangulo upang hirangin bilang PNP chief.

Samantala, mara­ming trabaho ang dapat gawin ni Alba­yalde lalo na ang pag-ayos ng imahe ng PNP na naging masama ang persepsiyon ng publiko lalo sa mga umano’y pag-abuso at paglabag sa karapatang-pantao.

Inaasahan natin na mas magiging maayos ngayon ang PNP sa pamumuno ni Albayalde dahil seryoso ito at hindi kenkoy o komed­yante na dinadaan sa biro, patawa o pagkanta ng kaniyang sinundan na PNP chief.