PNP, NBI sablay kay Christine

Kasabay ng paglili­bing kahapon sa mga labi ng dalagitang binalatan ang mukha sa Lapu-Lapu City, Cebu ay pinalaya naman ng piskalya ang dati nitong boyfriend na pangunahing suspek sa karumal-dumal na krimen.

Pinalaya sa kustodiya ng City Social Welfare Office ng Lapu-Lapu City ang 17-anyos na dating nobyo ng biktimang si Christine Lee Silawan sa utos na rin ng Prosecutor’s Office.

Base sa ulat, lumalabas umano sa pagsusuri ng piskalya sa kasong sinampa laban sa suspek na hindi sumunod ang mga awtoridad sa legal procedure sa pag-aresto sa dating nobyo ni Christine.

Dahil sa nangya­ring kapalpakan, binakbakan ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez ang kawalan aniya ng masusing koordinasyon sa pagitan ng National ­Bureau of Investigation (NBI) at Philippine ­National Police (PNP) Regional Office sa Central Visayas.
Dismayado si Jimenez dahil marami aniyang butas sa isinagawang ­imbestigasyon na mas­yado umanong minadali.

Sinabi pa nito na parang nag-uunahan ang NBI at PNP na masampahan ng kaso ang suspek sa karumal-dumal na pagpatay kay Christine.

Paglabag aniya sa karapatan ng isang suspek ang nangyari sa kaso dahil pagkatapos arestuhin, dapat ay sinabihan ito ng kanyang karapatan na manahimik at kumuha ng abogado bago sumagot sa interogasyon sa kanya.

Tiniyak ni Jimenez na magkakaloob ng ­legal assistance ang PACC sa pamilya Silawan para makamit ang hustisya sa pagkamatay ni Christine.