PNP, NBI ubos oras sa Chinese POGO crime

Nag-aalala ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na tuluyang mapabayaan ang pagtugon sa seguridad ng mga Pilipino dahil mas napagtutuunan nila ngayon ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga dayuhang manggagawa sa Chinese Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Inihayag ito ng mga NBI agent at pulis sa eksklusibong panayam ng online news site Politiko. Tumangging magpabanggit ng kanilang pangalan ang mga nakapanayam na law enforcer dahil sa takot sa kanilang mga superior.

“Sa halip na asikasuhin namin ang ating mga kababayan, minsan nauubusan kami ng tao at resources kasi nakakadagdag pa ang mga crimes perpetrated by Chinese workers,” ayon sa isang operatiba.

Tinatayang mayroong isang pulis sa bawat 1,800 Pilipino samantalang wala pa umanong 1,000 ang mga ahente ng NBI sa buong bansa.

Inaalala ng mga nakapanayam na operatiba ng PNP at NBI na mauubos ang manpo­wer at logistics nila sa pagbabantay lamang sa mga krimen na kinasasangkutan ng mga Chinese worker sa bansa sa halip na gamitin ito para sa pangangalaga sa kaligtasan ng mga Pilipino.

“The meager resources we have been diminished drastically. Instead for these resources to be used for cases for the Filipinos, is now being devoted to attend to crimes invol­ving foreign nationals, particularly Chinese employees of POGO,” ayon sa isa pang operatiba.

Maraming oras din umano ang nasasayang sa pagsasagawa ng surveillance at operation laban sa mga suspek at sa pagtulong din nila sa mga biktima.

Tapos kadalasan pa umano na hindi naman nakikipagtulungan sa kanila ang mga biktima o kaya ay hindi na nagpapakita pa.

Ito rin anila ang dahilan kung bakit nababasura ang kaso sa korte o kaya ay inaabandona na lamang ng mga awtoridad ang pag-iimbestiga sa krimen na kinasasangkutan ng mga Chinese POGO worker dahil ayaw naman makipagtulungan ng mga ito o nakikipag-areglo na lamang.

Bukod sa maliliit na krimen, kabilang sa mga kasong nakakarating sa mga awtoridad ay kidnapping.

Hindi naman umano nila puwedeng balewa­lain ang mga natatanggap na reklamo lalo pa kung paglabag ito sa batas ng Pilipinas. (Nancy Carvajal)