PNP operation sa Negros hindi masaker – Palasyo

Sinuportahan ng Malacañang ang posisyon ng Philippine National Police (PNP) na lehitimo ang inilunsad na police opera­tions sa Negros Oriental noong Sabado nang umaga na nagresulta sa pagkasawi ng 14 na magsasaka.

Nauna rito ay ipinahayag ng mga makakaliwang grupo at mga mili­tanteng mambabatas na masaker umano ang nangyari dahil sinadyang targetin ng mga awtoridad ang mga biktima.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na mayroon na silang kopya ng police report at isa aniya itong lehitimong operasyon.

Binigyang-diin ni Pa­nelo na ang warrants of arrest ng mga napatay ay inisyu ng korte at kaya nasawi ay dahil lumaban ang mga ito sa mga pulis.

Sinabi pa ng kalihim na hindi na sila magtataka sa inilabas na pahayag ng mga makakaliwang grupo dahil madalas itong ikatuwiran ng mga may kaugnayan sa Kilusang Komunista.

Idinagdag pa ni Panelo na ang mga napatay ng mga suspek ay natukoy na sangkot sa mga insidente ng ambush, asasi­nasyon at tangkang pagpatay, at mayroon aniyang katibayan ang mga awtoridad kaya sila naisyuhan ng warrants of arrest.

Ipinahayag din kahapon ni PNP Director General Oscar Albayalde na handa silang harapin ang anumang imbestigasyon upang maipakita na lehitimo ang nangya­ring operasyon.

Ayon pa kay Albayalde, mali na tawaging masaker ang pangyayari dahil bukod sa 14 na napatay, may naaresto rin silang 12 katao sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Negros O­riental.

Hiniling naman ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pagkapatay ng 14 na katapos kung saan kabilang umano dito ang isang lay minister.

Giit din ni Alminaza na sa mga awtoridad na magkaroon ng dayalogo upang talakayin ang paraan ng pagsisilbi ng search at warrant of arrest sa mga hinihinalang rebelde. (Aileen Taliping/Edwin Balaza/Juliet de Loza-Cudia)