Pinaiimbestigahan ngayon ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Oscar Albayalde ang naganap na pagpaslang sa dalawang self-confessed gun-for-hire suspect habang sakay ng police mobile pabalik ng kanilang kulungan.
“That will be investigated and I have already asked the IAS (Internal Affairs Service) to investigate it,” sambit ni Albayalde.
“They are high-risk detainees and are supposed to have security escort when they undergo inquest proceedings,” pagdiriin pa ng PNP chief.
Kaugnay nito’y masusi ring iimbestigahan ng Manila Police District (MPD) ang insidente kung saan naglunsad na rin sila ng Task Force para siyasatin ang naganap na pananambang kina Apolonio Flores, 37, at Prince Patrick Cortez, 32, sa Fajardo at Lacson St., Sampaloc, Maynila habang sakay ng mobile patrol car.
Ayon kay PSupt. Carlo Manuel, Public Information Officer ng MPD, kanilang pag-aaralan ang hawak nilang kopya ng CCTV kung saan nakunan ang pangyayari kahapon pasado alas-kuwatro ng hapon.
Kaugnay nito, aalamin rin ng MPD kung may pananagutan ba ang dalawang tauhan nila na nagsilbing escort sa dalawang suspek.
“Tinitingnan po natin lahat ng anggulo kung may lapses sa procedure ‘yung dalawa nating escort na pulis… [Titingnan] lang natin kung ano talaga ‘yung nangyari base sa accounts ng pulis,” ayon kay Senior Inspector Phillip Ines.