Pinayuhan ni Philippine National ­Police (PNP) Chief Police Director ­Ge­neral Oscar Albayalde ang mga ­narco-politicians na kusang umamin bago pa man ilabas ng Pangulong ­Rodrigo Duterte ang pangalan ng mga politikong nasa narco-list.

Ayon pa kay Albayalde, ipinauubaya na nila sa Pangulo ang pagpapalabas ng pangalan na nasa listahan ng narco-politicians.

Paliwanag pa ng opisyal na katuwang lamang ang PNP kasama ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsasagawa ng validation subalit si Pangulong Duterte umano ang magdedesisyon kung isasapubliko nito ang lista­han upaang makatulong sa mga botante sa pagpili ng karapat-dapat na iupo sa puwesto.

Sa panig aniya ng PNP, mayroon silang sariling listahan, pero ito ay counter-intelligence watch list lang ng mga pulis na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.

Kung ilalabas aniya ng Pangulo ang listahan ng mga narco-politicians, tungkulin ng PNP na magsagawa ng case-build up laban sa mga personalidad na ito kaya bago pa man magpatupad ng search warrant ang PNP laban sa mga politikong sangkot sa iligal na droga, ay mas makabubuti sa kanila na lumutang na at sumuko nang mapayapa.