PNP-SAF kakasa sa mga drug lord

saf-troops

Nakahanda ang Special Action Force (SAF) sa mungkahi ni Philippine Natio­nal Police (PNP) Directorial Staff chief Lt. Gen. Guillermo Eleazar na isabak ang elite unit sa giyera kontra iligal na droga partikular ang pagtugis sa mga big-time drug lord.

“We belong to the PNP, we are one family so we are ready to help,” ayon kay SAF spokesperson Capt. Jonalyn Malnat.

Aniya, malaking bentahe sa kampanya kontra iligal na droga ang taglay na disiplina at integridad ng mga SAF commando.

Ginamit na rin aniya minsan ang mga SAF commando sa mga nakalipas na anti-illegal drug operation pero on call basis lamang ito.

Ayon kay Malnat, sa ngayon ay walang protocol na makasama ang SAF sa PNP Drug Enforcement Group na siyang pa­ngunahing anti-illegal drugs unit ng PNP.

Pero kapag may utos aniya sa SAF para tumulong sa kampanya kontra droga ay kikilos sila para matugunan ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan na ang illegal drugs operation sa bansa.

Una nang sinabi ni Eleazar na siguradong manlalaban ang mga drug lord para maprotektahan ang kanilang multibillion industry kung kaya’t malaking papel ang maaaring gampanan ng SAF sa giyera kontra droga.

Gayunman, nasa pagpapasya aniya ng Pangulo kung isasabak ang mga SAF commando sa kanyang giyera laban sa mga drug lord. (PNA)