PNP-SAF member nagnakaw ng P200k donasyon sa simbahan ng NBP

saf-bilibid

Pinaiimbestigahan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, ang umano’y ginawang pagnanakaw sa halagang P208,007 ng isang mi­yembro ng Philippine National Police-Special Action Force na nakatalaga sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) ng halagang P200,000 donasyon sa simbahan at isang television set sa loob ng pambansang piitan.

Ang kautusan ay ginawa ni Aguirre kasunod ng ginawang pagkumpirma ni Bureau of Corrections Director Benjamin De los Santos na SAF na may ranggong sergeant ang nagnakaw ng donasyon kasabwat ang dalawang inmates sa pamamagitan ng isang pekeng raid sa loob ng chapel.

“Ginamit niya na ka­sabwat ang dalawang PDL natin or person deprived of liberty, na pinagsuot niya ng SAF uniform at pumasok nga sa chapel at kun­yaring magri-raid ng shabu.

Tapos binuksan nila ang vault na may lamang pera at tinangay. Tinangay din nila ang isang television set (The SAF member used two PDL to conduct the fake raid at the chapel. They then proceeded to open the vault and stole the money and the television set),” ayon kay Delos Santos.

Nangumpisal na umano kay NBP chaplain Fr. Robert Olaguer ang naturang SAF personnel at sinabing hindi niya mai­babalik ang pera.

Hindi pinagalanan ni De Los Santos ang SAF personnel maging ang dalawng inmates.

Gayunman, sinabi ni De Los Santos na kakasuhan ang naturang SAF trooper sa city prosecutor’s office.